Wednesday, December 31, 2008

Emirates ID

Meron na akong Emirates ID. Natanggap ko kangina – pinadala by courrier. Isa't kalahating buwan matapos akong mag-apply. Ano kayang maitutulong nito sa akin?

Actually, meron nang kaunting naitulong. Nasulat ko ang “Kanta ng Paghihintay” dahil dito.

Kasama ko si Jovi at Dayan sa pag-a-apply sa Al Barsha Center. Alas dose ng gabi kami pumunta roon noong 17 November 2008, pero hindi pa rin kami ang nauna sa pila. Numbers 10, 11 and 12 lang kami. Habang nakapila kami ni Jovi at natutulog si Dayan sa kotse, naglalaro sa isip ko ang mga linyang naging unang talata ng kanta.

Ito'y isang gabi ng paghihintay.
Hindi ako inaantok.
Ito'y isang gabi ng paghihintay.
Hindi ako mahihimbing.
Magbibilang ng bituin.
Kung gusto mo ay sumabay.
Ito'y isang gabi ng paghihintay.


Alas siete y media ng umaga nang papasukin kami. 150 lamang daw ang pinapasok. Marami pa ring naiwan. Pagkatapos ng dalawang oras, tapos na ang application procedure na may kasamang kaunting interview, fingerprinting at pagkuha ng litrato.

Dumiretso kami sa Noodle Bowl sa Al Diafa pagkatapos at kumain. Doon kami nakakita ng dyaryong 7 Days na ang headline ay “Deadline Extended”. Ok. Basta kami ay tapos na.

Yun namang kanta, natapos ang pagsulat ng lyrics 3 days later. Ito palang si Jovi at Dayan ay nagpla-planong pakasal nitong December. Kaya sa ikalawang talata, naging romantic nang todo ang kanta.

Ito'y isang taon ng pananabik.
Kay tagal nag-aasam.
Ito'y isang taon ng pananabik.
Kay tagal humihiling.
na di lubhang maninimdim.
at di lubhang maiinip.
Ito'y isang taon ng pananabik.


Sa huling talata ay mai-imagine mo ang isang rock star, kasama ang kanyang banda, na nagpe-perform sa harap ng libu-libong Pinoy sa Rakrakan sa Dubai.

Ito'y isang kanta ng paghihintay -
sa titik ay kinakapos.
Ito'y isang kanta ng paghihintay
sa tiempo ng pusong sabik.
Dito ka lang at makinig.
Kung gusto mo ay sumabay.
Ito'y isang kanta ng paghihintay.


Ako yon. Pag wala na kasing mapasukang trabaho sa construction dito dahil sa global crisis, ipu-pursue ko ang matagal ko nang pangarap na . . .

Na na na na na na.
Iilang oras na.


. . . na maging rock star. Pwera biro.

No comments: